Thursday, December 10, 2015

Ang Aking Dasal


-  akda ni Refleco Premodialne


O, Makapangyarihang Diyos, aming Amang nasa langit, pakinggan mo ang iyong abang utusan.Tanging Ikaw lamang ang nakaka-alam kung sino ako. Di ko ninais na ako’y isilang nguni’t salamat sa iyong hiningang mapagmahal at biniyayaan mo ako nitong pansamantalang  buhay.

Binigyan mo ako ng kaluluwang walang bahid dungis nguni’t ang daigdig na nakapaligid sa aking buhay ay siyang humugis kung ano ako ngayon, isang kaawa-awa, inalipustang makasalanan. Natutunan kong pangalagaan ang sambayanang aking pinagsilbihan dahil minsan ay nasabi mong anumang ginagawa ko sa pinakababang mga kapatid ay ginagawa ko ito para sa yo. Nagawa ko ito sa napakahabang panahon at alam kong iyon ang mga magagandang alaala na aking balik-balikan sa aking pagtanda.

Nguni’t muli ang nakakabinging mga iyakan at mga taghoy ng iyong sambayanan ay umabot sa aking pandinig,  bumabagabag sa aking kaluluwa na sana’y handa ng magpaubaya sa katahimikan. Iginigiit na pamunuan ko sila upang mahaon sa putikan ng kriminalidad, korapsyon, at kahirapan. Ang mga bibig ko’y nagsasabing ‘hindi’, nguni’t ginapi ako ng napakalakas nilang pagsusumamo na umalipin sa aking puso at kinaladkad ako patungo sa larangan ng pakipaglaban. O, walang katapusang Diyos, kung ito ay iyong kalooban, susundin ko. Bigyan mo lamang ako ng lakas at karunungan na mapagsibihan ang iyong bayan.

Gawin mo akong instrumento ng kapayapaan sa pagitan ng mga kapatid na Muslim at mga NPA sapagka’t kailangan mapag-isa namin ang aming mga kababayan.
          Ituro mo sa amin ang kapatagan ng pag-unawa kung saan kami magkadaupang palad at yakapin ang kapayapaan. Tulungan mo kaming gawin ang bayang ito na maging lupain ng pulot at kasaganaan.

At sa takdang panahon, ang pagod na kaluluwa ko ay mamahinga, sapagka’t ang kaluluwang ito ay ginawa para sa iyo, at kailan ma’y hindi ito makaangkin ng katiwasayan at katahimikan kung wala sa piling Mo.