O,
Makapangyarihang Diyos, aming Amang nasa langit, pakinggan mo ang iyong abang
utusan.Tanging Ikaw lamang ang nakaka-alam kung sino ako. Di ko ninais na ako’y
isilang nguni’t salamat sa iyong hiningang mapagmahal at biniyayaan mo ako nitong
pansamantalang buhay.
Binigyan
mo ako ng kaluluwang walang bahid dungis nguni’t ang daigdig na nakapaligid sa
aking buhay ay siyang humugis kung ano ako ngayon, isang kaawa-awa,
inalipustang makasalanan. Natutunan kong pangalagaan ang sambayanang aking
pinagsilbihan dahil minsan ay nasabi mong anumang ginagawa ko sa pinakababang
mga kapatid ay ginagawa ko ito para sa yo. Nagawa ko ito sa napakahabang
panahon at alam kong iyon ang mga magagandang alaala na aking balik-balikan sa aking
pagtanda.
Nguni’t
muli ang nakakabinging mga iyakan at mga taghoy ng iyong sambayanan ay umabot
sa aking pandinig, bumabagabag sa aking
kaluluwa na sana’y handa ng magpaubaya sa katahimikan. Iginigiit na pamunuan ko
sila upang mahaon sa putikan ng kriminalidad, korapsyon, at kahirapan. Ang mga
bibig ko’y nagsasabing ‘hindi’, nguni’t ginapi ako ng napakalakas nilang
pagsusumamo na umalipin sa aking puso at kinaladkad ako patungo sa larangan ng
pakipaglaban. O, walang katapusang Diyos, kung ito ay iyong kalooban, susundin ko.
Bigyan mo lamang ako ng lakas at karunungan na mapagsibihan ang iyong bayan.
Gawin
mo akong instrumento ng kapayapaan sa pagitan ng mga kapatid na Muslim at mga
NPA sapagka’t kailangan mapag-isa namin ang aming mga kababayan.
Ituro
mo sa amin ang kapatagan ng pag-unawa kung saan kami magkadaupang palad at
yakapin ang kapayapaan. Tulungan mo kaming gawin ang bayang ito na maging
lupain ng pulot at kasaganaan.
At
sa takdang panahon, ang pagod na kaluluwa ko ay mamahinga, sapagka’t ang
kaluluwang ito ay ginawa para sa iyo, at kailan ma’y hindi ito makaangkin ng
katiwasayan at katahimikan kung wala sa piling Mo.
