Tuesday, December 6, 2011

Do You Love Me?

-->
                                           AKO BA'Y MAHAL MO?
                                              Ni Refleco Premodialne


           “Mahal mo ba akong talaga?”
          “ Oo, bakit, duda ka ba?”
         
“Nagtatanong lang, kasi kung mahal mo ako, bakit pinabayaan mo ako?”
          “Hindi naman kita pinabayaan, a, bakit mo nasabi iyan?”
         
“Kasi, kung mahal mo ako, bakit pinabayaan mo akong nagugutom.  Tingnan mo, ang payat-payat ko na.  Minsan lang ako kumakain isang araw.”
          “Bakit, ang dami namang pagkain d’yan, a.  Sobra-sobra nga. Binigyan ko naman kayo ng pagkaing hindi maubos-ubos.  Tingnan mo ang mga ibon ang dami nilang makakain, ikaw pa?  Pumunta ka sa palengke, ma-raming pagkain doon.”

          “Wala akong pera, e.”
          “Wala kang pera? Di maghanap ka ng pera, mag-trabaho ka.”

          “Wala namang tuma-tanggap sa aking magtrabaho, e. No vacancy raw”
“Ay, naku, di magbungkal ka ng lupa d’yan, magtanim ka, pag-ani mo di may pagkain ka na.

          “Wala naman akong lupa, e.  Saan ako bubungkal upang magtanim?”
          “Tama, wala ka ngang lupa at wala namang kahit sino ang dapat magmamay-ari ng lupa, dahil mamatay ka na at kahit na sino, kahit lahat ng tao,  pero ang lupa ay and’yan pa rin.  Ang lupa ang nagmamay-ari sa iyo, sa mga tao, dahil diyan kayo ililibing, hindi tao ang magmamay-ari sa lupa.”

          “E, pa’no, ‘yan ang patakaran.  Puedeng mag-angkin ng isang daang ektarya, dala-wang daang ektarya, isang libong ektarya, kahit ilan, walang limit.”
          “At sino naman ang may sabi n’yan?”

          “Di, ang namumuno sa amin.  Sabi nila may bendisyon raw sila galing sa ‘yo na gumawa ng mga patakaran para sa aming lipunan.”
          “Hay, naku, kaya pala.  Tama ‘yan na meron silang permiso at bendisyon galing sa akin, pero ang permisong iyan ay upang gumawa ng kabutihan para sa lahat.  Kung ang gagawin nila ay para lamang sa kanilang sariling kapakanan, o para sa iilan lamang, hindi ko pinapayagan ‘yan dahil ang lahat ay mahal ko.”
      
          “Di, kung gayon kagalitan mo sila at gamitan ng kamay na bakal para mabigyan sila ng lek-syon at mapatupad ang sadyang hangad mo para sa pangkala-hatang kabutihan?”
          “Sino, ako?  Bakit ako? Di ka nga kumikilos na ikaw mismo and nagugutom, e, ako pa na di maaaring makaranas ng gutom o paghihirap?  At saka di naman ako ang may gawa ng paghihirap mong sanhi ng gutom, a.”

          “Oo, nga. Pero makapangyarihan ka.  Kayang-kaya mong pawiin ang paghihirap ko sa isang iglap lang.  Para que, na huma-hanga ako sa ‘yo.  Bilib na bilib ako sa ‘yo, alam mo ‘yan.  Kaya nga kung mahal mo akong talaga baguhin mo na ang mga pangyayari ayon sa kagustuhan mo.”
 
“Hayy, naku, hindi ko alam kung magalit ako o matuwa sa ‘yo.  Napaka-dependent mo naman.  Para kang walang buto. Binigyan na kita’t lahat ng kaka-yahan.... Bibiguin mo pa yata ako.  Kahawig pa naman kita.  Kaya mo ‘yan.  Huwag kang duwag.  Tandaan mo lamang, walang bendesyon sa akin ang masasama, ang mga makasarili.  Kaya magpakatatag ka.  Ipaglaban mo ang pangkalahatang kabutihang may tatak ng aking bendesyon. 
Tandaan mo, kasama mo ako habang ang mundo ay mundo.”

Wakas

No comments: