BILANGGUANG
WALANG REHAS
Akda ni Refleco Premodialne
“Naalala mo pa ba nang dalhin mo ako sa Paraiso? Ang pinakahalagang bagay na sinabi mo noon ay ang ‘bantayan mo ang paraisong ito at aalagaan. Dito mabubuhay ang lahi mo. Magpakarami kayo’.”
“Oo, naalala ko. Ang saya-saya mo noon. Bakit ngayon parang matamlay ka?”
“Ganito, kasi ang nangyari. Kinamkam ng mga dayuhan ang aming paraiso. Dala-dala pa nga nila ang pangalan mo. Sabi nila ay utos mo raw. Caramba ang tawag sa kanila. Ililigtas daw kami sa kamay ng demonyo. Ginawa ang lahi kong alipin sa loob ng tatlong daan -daang taon.
“Ikalawa’y dumating ang mga dayuhan na ang tawag sa sarili’y Angkol. Ililigtas daw kami sa pagka-alipin sa kamay ng mga Caramba. Mas matindi ito sila. Sinakop nila ang aming paraiso at sinakop pa rin pati ang aming kaisipan. Nawala kami sa aming sarili.
Ikatlo’y dumating ang mga taong singkit ang mata. Sabi nila’y Sakang daw sila. Ililigtas daw kami sa kamay ni Angkol. Hindi nila alam na kahit naitaboy nila si Angkol sa aming paraiso, nandito pa rin si Angkol sa amin dahil naagaw na ni Angkol ang aming kaisipan. Nang malaman ng Sakang na wala silang maasahan sa amin, nagwala sila. Pinagpapatay ang aming lahi. Sabi ni Angkol ay babalik siya matapos niyang matulungan ang kanyang pinsan sa malayong bayan. Sabi nga ng kalahi ko: ‘Bakit matitiis ni Angkol na tumulong sa kaniyang pinsan doon sa malayong bansa samantalang ang anak niyang dalaga ay ginahasa sa kabilang kuwarto?’
“Nang bumalik si Angkol upang iligtas daw kami sa kamay ng mga Sakang, marami ng comfort women sa aming mga kalahi.”
“Bumalik na pala si Angkol, e, pero bakit tila malungkot ka pa rin?”
“Akala ko’y ligtas na kami, ‘yon pala’y gano’n pa rin.”
“Anong gano’n pa rin?”
“Ano? Paano nagkagano’n? Malaya na kayo. May demokrasya na kayo, bakit alipin pa rin ang feelings mo?”
“Alipin, bilanggo. Mahirap palang mabilanggo sa bilangguang walang rehas. Hindi mo alam at makita kung alin ang iyong puputulin at wawasakin upang makalaya ka. Para kang nangangapa sa dilim.”
“Wow, galing ng dialogue mo. Naramdaman mo ang paghihirap nguni’t hindi mo alam kung papa’no nangyari, kung ano ang dahilan. Kung ibig mong lumaya, ang una mong palayain ay ang iyong kaisipan. Kapag nakalaya na ang iyong kaisipan, susunod na rin ang iyong katawan.”
“Nguni’t paano ko palalayain ang aking kaisipan.”
“Magandang tanong. Medyo may kahirapan pero naghihirap ka na lang din, e, di pagsikapan mo na. Ganito ang gawin mo. Mag-relaks ka ng kaunti. Magmuni-muni ka. Liripin mo ang iyong sarili, at makikita mo ang nakasulat sa iyong puso ang isang batas na nagsasabing: “gumawa ka ng mabuti at ang masama ay iyong iwaksi”. Diyan ka magsimula at makakamtan mo ang kalayaan ng isipan.”
Wakas

No comments:
Post a Comment