Wednesday, December 7, 2011

From the Heart

-->
MULA SA PUSO
(Noong minsang nakipag-usap ako sa Diyos)
Ni Refleco Premodialne

          “Alam mo ba ang kahulugan ng salitang terorista?”
          “Tinatanong pa ba sa akin ‘yan?  Napaka-basic naman, mote and academic.”

          “Ikaw talaga, oo, napakayabang mo.”
          “Yabang? Ang mayabang ay yaong nanghihiram lang ng kaalaman.  Itong sa akin ay talagang ganito ako.  Alam mo naman ang kahulugan ng sinasabing ‘All- Knowing, di ba?’ ”

          “O sige, sige.  Pero ako hindi ko alam ang salitang terorista, e.  Nalilito ako. Kilala mo naman ako.  Wala akong natapos. Grid wam bi (Grade I-section B) lang ako.  Pero bago mo sagutin ‘yong tanong ko, may sasabihin ako sa ‘yo.  Pero h’wag mong sasabihin sa iba, ha?  Secret lang ‘to.  Alam mo, dahil ‘All- Powerful’  ka ‘yong ibang tao ay takot sa ‘yo....”
          “Ano, takot sa akin?  Aba-ba-ba—walang ganyanan, ha.  Isang bagay na pinaka-aayaw ko sa lahat ay ang katakutan ako.  Sa tipo ko ba namang ‘to, e, katakutan ako.  Tingnan mong porma ko.  Ang mukha bang ito’y kinatatakutan?  Di ba ang bait-bait niyan?  Sabihin mo sa kanila, maging sino man ‘yan sila na ang kailangan ko sa kanila ay pagmamahal at pagsamba, hindi takot, dahil, dahil....”

          “Dahil ano po ‘yon?  Sige na sabihin mo.  Huwag mo lang masyadong dibdibin.”
          “Dahil....dahil sa simula ako’y nag-iisa.  Nguni’t kahi’t nag-iisa’y di ko kilala ang kalungkutan.  Ang nag-uumapaw sa aking puso ay kaligayahan at pagmamahal.  Kumuha ako ng sandakot na lupa, inilagay sa aking palad, dahan-dahan at buong-ingat ko itong inihugis sa aking larawan.  At mula sa aking puso ay bumulwak ang nag-uumapaw na ligaya at pagmamahal at dumaloy sa inihugis kong larawan at iyon ay nagkaroon ng buhay.”

          “Wow ang galing-galing.  E, nasaan na siya ngayon?  Ang ibig kong sabihin ay yaong inihugis mong nagkabuhay?”
          “Inilagay ko siya sa hardin ng daigdig.  Isang napakalawak at napakagandang hardin.  Punong-puno ng  lahat niyang pangangailangan. Binigyan ko siya ng kasama na katulad n’ya upang malubos ang kaniyang kaligayahan.  Hindi niya, nila kilala ang kalungkutan. Wala silang alalahanin na baka bukas ay wala silang makakain dahil kung mangyari ang gano’n, sila ay magkaroon ng takot at iyan ang isang bagay na hindi ko gusto sa lahat.  Kaya ginawa ko ang hardin na sagana sa lahat na kanilang pangangailangan.  Ganyan ko siya, sila, kamahal.  Ang buhay ay ang aking pinakamahalaga, pinakadakilang handog sa tao”

          “Wow, napakaswerte naman nila.  Inggit ako, a.  Ako nga laging kumakalam ang sikmura, e.  Pero bakit ang ayaw mo sa lahat ay ang tinatakot sila?”
          “Hindi mo ba na-gets?  Kahit papano’y ginugulan ko rin ng panahon ang paghugis sa kan’ya sa aking mga palad, no.  Ang pagmahal at ligaya na ineregalo ko sa kanya, hay naku, hindi basta-basta ‘yon.  At higit sa lahat buhay ang ibinigay ko sa kanya.  At kaya ko siya inilagay sa hardin ng daigdig na sagana sa lahat nilang pangangailangan ay upang mapanatili ang buhay na iyon.  Kaya ang sinumang kukuha sa kanila ng mga pangangailangang ito ng buhay, sila ay tatawagin kung mga ter....”

          “Anong ter...?  Ibinibitin mo pa kasi, e.  Sabihin mo na.”
          “Di terorista.  Hayy naku.  Nalaman din.  Nabigla ‘ata ako.”



Wakas

No comments: