SANGANG DAAN
Ni Refleco Premodialne
Saan ka na ba ngayon aking disipulo? Nand’yan ka ba sa sangang-daan? Sa cross-road?”
“Opo aking Panginoon. Nandito ako sa sangang-daan at nalilito ako kung aling direksyon ang aking pipiliin at tatahakin.”
“Hindi naman siguro problema ‘yan.”
“Problema po, aking Panginoon. Mahirap po lamang ako. Hindi ko kayang magpakain at magpaaral ng maraming anak. Pero ibig ko pong magkaroon ng maraming anak.”
“At bakit naman kailangan mo ng maraming anak? Ang mga mayayaman nga ay kakaunti lamang ang mga anak.”
“Dahil po makasweldo naman sila ng katulong. Nguni’t and mga anak ko po’y makatulong sa akin sa paghahanapbuhay at maging kaagapay ko sa aking pagtanda. At saka hindi naman po ipinipilit sa amin ang aborsyon. Pinagpipili po kami kung gamitin o hindi.”
“Itong mga namumuno sa inyo ay nililito kayo. Binigyan ko pa naman sila ng bendesyon upang pamunuan kayo. Una, ang lupa na ibinigay ko para sa inyong lahat ay hinayaang ariin ng iilan lamang. Wala naman silang “say”. Ang resulta tuloy sila ay lalong yumayaman at kayo nama’y lalong naghihirap. Gumawa sila ng mga batas na mahirap intindihin at kayo nama’y kailangang sumunod. Ang resulta tuloy sabihing mga mangmang kayo kaya kayo ay naghihirap. Dahil d’yan nagsisikap kayong papag-aralin ang inyong mga anak upang mag-ahon sa inyo sa kahirapan, hahayaan naman nilang magsingil ng mahal ang mga eskwelahan. Kahit na mahal sinikap pa rin ninyong mapagtapos ang inyong mga anak, nguni’t wala namang mapagtrabahuwan pagkagradweyt. Ang resulta tuloy ay maraming walang trabaho at kailangan pang magpalakasan, may kapit, upang makapagtrabaho. Ngayon saan kukuha ng pagkain ang mga walang trabahong ito dahil wala silang pera? Magiging prublema sila sa lipunan, di ba, pagkat mag-demand sila ng pagkain. Sino ngayon ang magbibigay sa kanila ng pagkain? Walang gustong magbigay ng pagkain ng libre sa matagal na panahon. Kung magreklamo sila at gagawa ng gulo nariyan ang bilangguan para sa kanila. Ang prublema ay kung dumarami ng dumarami ang mga nagrereklamong ito.
Kaya napag-isip nila na ang pinaka-da best na remedyo d’yan ay bawasan ang bilang ng mga nagrereklamong ito pagdating ng panahon. Kailangang bigyang laya ang mga pills at ibang pang mga birth control na pamamaraan kalakip na ang aborsyon. Hindi ang pinakaugat ng prublema ang nilulutas nito kundi ang mga epekto lamang, ang mga sanga-sanga. Tandaan mo. Ang mali ay di maaaring tawaging wasto at ang wasto ay palalabasing mali. Ang kadiliman ay madilin at ang liwanag ay maaliwalas. Ang kumitil ng buhay ay mali at kailanma’y hindi maaring maging wasto.”
“Nguni’t Panginoon, marami naman sa amin ang gumagamit ng mga contraceptive pills, ang kumitil ng buhay sa sinapupunan....”
“Sumpain kayo! Sinasayang ninyo ang buhay na neregalo ko sa inyo. Hindi ba ninyo naririnig ang hiyaw ng walang kalaban-laban na sanggol sa sinapupunan? Mula sa aking kinaroroonan ay nabibingi ako sa kanilang mga tili ng takot, sigaw ng pagmamakaawa. Kung ginagawa man ninyo iyan, hindi iyan nangangahulugan na gawan na iyan ng batas na nagpapahintulot. Tulad ng dumaraming mga kalapating mababa ang lipad na ang karamihan ay sanhi ng kahirapan. Hindi ibig sabihin, dahil dumarami sila gagawan na ng batas na pinahihintulutan ang prostitusyon!
“Ibig bang sabihin dahil dumarami ang taong mapaniil gagawan na ng batas na maging legal ang paniniil? Ibig bang sabihin dahil sira na ang kalikasan, ang karagatan, kabundukan, kapatagan, ang hangin, ay gagawa na ng batas na legal ang sumira ng kalikasan?
Baka gawin nilang legal ang pagiging mahirap dahil marami di hamak ang mahihirap kaysa mayayaman?”
“Di man nila gawan ng batas iyan ay s’ya naman ang nagyayari, Panginoon.”
“Nguni’t isang bagay ang dapat mong malaman aking disipulo.”
“Ano ‘yon, mahal kong Panginoon?”
“Kahit ganyan ang mga mayayaman ay mahal ko pa rin sila. Kahit ganyan ang mga namumuno ay mahal ko pa rin sila.”
“Mahal mo pa rin kahit ginawa na nilang alipinin ang ibang mga tao? Kahit gumagawa sila ng batas na taliwas sa pinag-uutos mo?”
“Oo. Nguni’t hindi ko mahal ang kanilang mga kasalanan Kinasusuklaman ko iyon. . Naawa nga ako dahil alam kong sila, kayong lahat ay bilanggo sa loob ng isang bilangguang walang rehas.
Pero babawiin ko sa kanila ang aking bendisyon. Ibibigay ko sa aking mga tagasunod. Babawiin ko sa kanila ang aking pahintulot na mamuno sa inyo.
“Kaya kumilos ka. Hindi mo maaasahan ang mga namumuno sa inyo sa ngayon dahil nasa mabuti silang kalagayan at hindi nila nararamdaman ang paghihirap ng mga mamayan. At huwag kang mabahala dahil darating ang umaga ng pagbabago.”
“Opo, aking Panginoon.”

No comments:
Post a Comment